Archive for the Damdaming Makabayan Category

Para sa alaala ni Marcel at ng iba pang mga KASAMA na biktima ng pagpupurga

Posted in Damdaming Makabayan, Life on March 6, 2011 by witchysmile

Isinulat ko ang maikling script na ito para sa isang “writing workshop” noon sa Taumbayan, naalala ko ang isang kwento noong ako ay minsan na mapadpad sa isang tahanan ng magsasaka.. Noon pa yun…16 na taon na ng nakakaraan…Pumunta kami sa isang bahay, maayos kaming pinapasok at tinanggap sa kanilang tahanan..Hinainan ng pagkain at nakipagkwentuhn sa amin ang may-ari ng bahay. Habang kumakain kami, nagsalita si Nanay…Alam ba ninyo napatay ang aking anak, katulad din ninyo siya, sumabat pa ako at nagtanong..Nay, militar ba ang pumatay sa kanya?..Umiling si Nanay..Hindi..mga kasama ang pumatay sa kanya..katulad ninyo..sila ang pumatay sa anak ko…..masakit hindi ko pa rin nakikita ang bangkay ng aking anak..Alam ba ninyo kung nasaan siya?

Tinik ng Rosas

Isinulat ni Julie F. Asedillo

 

 

Mga Tauhan:

Salome – Ina na naghahanap sa nawawala niyang anak na si Elena.

Lando – Pinuno ng hukbo na nangangalaga ng supplay na dinadala sa sona.

Dalawang NPA na kasama ni Lando.

 

 

Sa pagbubukas ng tanghalan makikita si Salome, nakaupo sa silya, malungkot, spot light nakatutok sa kanya. Hawak ang litrato ng anak niyang si Elena. May kakatok sa pintuan. Ilalapag ni Salome ang litrato ng anak.

 

SALOME:

Sino yan?

 

LANDO:

Ako ito..

 

Magpupunas ng luha si Salome, lalapit sa pinto at bubuksan ito.

 

LANDO:

Nakabili ka ba ng mga supply?

 

Hindi sasagot si Salome, ibabaling ang tingin sa mga kahon at plastic na nakasalansan sa isang tabi.

SALOME:

Kumain naba kayo?

 

LANDO:

Hindi pa, malayo ang nilakad namin, umikot kami sa ibat ibang bayan, kailangan naming magpagabi para makaiwas sa mata ng mga espiya dito sa lugar.

 

SALOME:

Sandali at magluluto ako ng hapunan

 

LANDO:

Salamat

 

Nagpunta sa kusina si Salome, naiwan sa salas si Lando at ang dalawang  NPA na kanyang kasama. Pumunta si Lando kung saan nakalagay ang mga suplay inayos ang mga ito katulong ang dalawang NPA. Habang nagluluto si Salome abala sina Lando sa pagaayos ng mga gamit.

 

SALOME:

Isang taon ng nawawala si Elena, isang taon na rin nawala ang pag asa ko sa buhay.

(Nagsasalita habang binubuksan ang mga de-latang pagkain)

 

LANDO:

(Matitigilan sa ginagawa)

Ikinalulungkot ko, Hayup talaga ang mga militar, malupit sila Salome.

 

 

 

 

SALOME:

Hinanap ko siya sa lahat ng kampo ng militar dito sa probinsiya, lumapit na ako sa mga organisasyon walang makapagsabi kung nasaan ang aking si Elena.

LANDO:

(Tatayo at lalapit kay Salome)

Magaling magkunwari ang mga militar, magaling ding magtago, inilapit mo na ba ‘yan sa media? Dapat na magkaroon ng malawakang pagkilos para dyan. Magpatulong ka sa organisasyong masa para lumakas ang panawagan, mapipilitan ang militar na ilabas si Elena.

 

SALOME:

Nawala si Elena sa kagubatan mg walang nakakita.

(Nagsasalita habang naghihiwa ng sibuyas)

 

LANDO:

Nagkaroon na ng ulat ang kolektib dyan, mga pasistang militar ang dumukot sa kanya. (babalik sa ginagawang pag-aayos ng suplay)

 

SALOME:

Maraming hindi malinaw sa akin, saang lugar siya nawala, parang bula na lamang bang nawawala ang isang tao? (nakatulala)

 

LANDO:

May mga security reason sa mga detalye, hindi basta basta na inilalahad ang mga ito.

 

SALOME:

Kahit na akong ina niya? Karapatan kong malaman ang kasagutan sa mga tanong ko! (Halatang nagalit)

 

 

LANDO:

Dapat na mangibabaw ang kagustuhan ng kilusan laban sa kagustuhan ng bawat indibidwal.

 

SALOME:

Ano ang suot niya ng mawala siya sa kagubatan?

 

LANDO:

Pangkaraniwan..

 

SALOME:

Suot ba niya ang kwintas na ibinigay ko sa kanya?

 

LANDO:

Ah..eh.. siguro..Bakit mo naitanong?

 

SALOME:

Sinabi kong wag niyang hubarin iyon, wag niyang iwawala, iyon ang magsisilbing alaala ng pagmamahal ko sa kanya.

 

LANDO:
E kung dinukot siya ng military malamang na ninakaw din nila iyon.

 

SALOME:

Regalo ko iyon noong ika-18 taong kaarawan niya, natatandaan ko iyon din ang araw nang magpaalam siya sa akin na sasampa siya, sasapi daw siya sa armadong paglaban. Noong una ayaw kong pumayag, sabi ko pwede naman siyang magpatuloy ng pagkilos sa paaralan pero ayaw niya. Nakita ko sa kanyang mga mata na kahit ako ay hindi makahahadlang sa kanyang kagustuhan.

 

LANDO:

Mabuti at pinayagan mo siya. Kailangan ng kilusan ang mga katulad niya.

SALOME:

Wala na siya ano pa ang silbi niya sa kilusan?

 

LANDO:

(Tatangkaing kunin ang larawan ni Elena na nakapatong sa lamesa)

Bayani siya Salome, bayani na alalahanin ng buong sambayanan.

 

SALOME:

Huwag mong hawakan yan!

 

LANDO:

(Mabibigla) Bakit?

 

SALOME:

Wala..wala..nabigla lang ako..

 

SALOME:

May kulang ba sa mga supply? Marami rami ang pinabili ninyo ngayon.

 

LANDO:

May pagpupulong na magaganap bukas, may darating na taga ibang lugar.

 

Lalapit si Salome sa litrato ng anak, kukunin ito at ilalagay sa tapat ng kanyang lutuan.

 

SALOME:

Nahirapan ba siya?

 

LANDO:

Anong ibig mong sabihin?

 

SALOME:

Mahirap ang buhay sa kabundukan, madalas na walang pagkain, gutom at hirap. Kahit walang pagkain naglalakad papuntang ibang lugar. Nauulanan, natutuyuan ng pawis. Swerte ng makapaligo ng araw-araw.

 

LANDO:

Lahat ng mga kasama ay ganoon ang nararanasan walang eksempsyon, lahat dumaraan sa hirap at gutom, hindi dahil sa gusto lamang naming kundi ganoon ang hirap sa rebolusyon, pero darating din ang araw ng tagumpay. Mawawala na rin ang hirap nating lahat. (Nagsasalita ng parang tulala)

 

SALOME:

Lumaban ba siya?

 

LANDO:

Ano???

 

SALOME:

Sumama ba siya sa labanan? Natuto ba siyang humawak ng baril? Natuto ba siyang tumarget at itutok ang baril sa mga militar? Ang mga kalaban ng sambayanan na siyang nagpapahirap sa ating lahat!

 

LANDO:

Salome, lahat ng armado ay dumaraan sa pagsasanay, kailangan nila iyon. (Medyo naguguluhan na)

 

SALOME:

Nakapatay ba siya ng militar?

 

LANDO:

Hindi ko alam, hindi ko siya nakasama sa squad, pero isa lamang ang hangarin ng hukbo! Ang pahinain ang lakas ng militar sa kanayunan, papatay kami kung kinakailangan.

 

SALOME:

Matapang si Elena, kapag nakikita niyang tama ipinaglalaban niya, katulad ng kanyang amang si Natoy matapang.

 

LANDO:

Lahi kayo ng matatapang..yaman kayo ng kilusan!

(May pagmamalaki)

 

SALOME:

Pero katulad din siya ng kanyang ama na nawala na lang sa kagubatan! (Pasigaw)

 

Bahagyang matatahimik si Lando. Ibabalik na ni Salome ang larawan ng anak sa lalagyan nito)

 

SALOME:

Matalino ang aking si Elena, akalain mong maswerteng nakuha siyang scholar sa unibersidad!

Tuwang tuwa niyang ibinalita sa akin na makapag aaral siya ng libre. Sabi niya, maihahaon na niya ako sa hirap!

May paninindigan, naninimbang sa mga bagay bagay, nag-iisip, mahilig magtanong.

 

LANDO:

Lider kase siya sa paaralan, nakwento mo nga minsan, siya ang namuno sa protesta sa paaralan laban sa pagtataas ng matrikula.

 

SALOME:

Bakit siya pinatay?

 

LANDO:

Ha? Anong pinatay?! Nakita naba ang kanyang bangkay? Magaling magtago ang mga militar. Mahusay manlinlang!

 

SALOME:

Asa pa ba akong makukuha ko ang katarungan at katotohanan?

 

LANDO:
Habang nasa kilusan ka Salome, habang tumutulong ka sa ikatatagumpay ng rebolusyon may katarungan! May katotohanan!

 

 

SALOME:

Luto na ang hapunan kumain na kayo

 

LANDO:

Naku Salome maraming salamat! Kanina pa kami gutom, pitong oras kaming naglakad patungo rito. Ano ba ang pagkain? Mukhang espesiyal ah!

 

SALOME:

May tuyo, sardinas at talbos ng kamote. Mainit na kanin at Coke!

 

LANDO:

Ang sarap niyan! May Coke?! (tuwang tuwa)

Aba’y may selebrasyon ba?

 

SALOME:

Higit pa sa selebrasyon!

 

Mag-aayos ng plato, baso si Salome sa mesa, ihahain ang mga pagkaing iniluto.

 

SALOME:

Maupo na kayo at kumain, habang mainit pa ang kanin!

 

LANDO:

Naku Salome, sa tingin pa lang ay napakasarap ng iyong iniluto!

 

Lalapit si Lando sa mesa kasunod ang 2 pang mga armado. Maghuhugas ng kamay sa isang tabong tubig at uupo sa mesa.

 

 

LANDO:

Ikaw Salome? Sumabay ka na sa amin kumain..

 

SALOME:

Maya maya na ako, busog pa ako.

 

Maya- maya ay bumubula na ang bibig ng tatlo, pipilitin ni Landong makapagsalita, habang hawak hawak ang leeg niya at pinipilit na isuka ang kinain.

 

LANDO:

Ano ang ginawa mo Salome?

 

SALOME:

Putang ina mo Lando! At putang ina ng kilusan na sinasabi mo! Kayo na mapanlinalang at manggagamit! Matagal ninyo akong pinaniwala na militar ang pumatay sa aking anak, matagal ninyong itinago sa akin ang katotohan! Kayo..kayo ang pumatay kay Elena! Nagpunta rito si Teresa siya ang nagpaliwanag ng lahat! Hinahanap  ninyo siya hindi ba? Dahil siya ang nakakita ng buong pangyayari, kung paano ninyo pinatay si Elena ko! At kung bakit ninyo pinatay ang anak ko! Galit kayo sa mga mapagtanong! Nais ninyo na maging sunod sunuran ang mga tao, gawing robot na tagasunod sa lahat ng nais ninyo! Sa ngalan ng kilusan?! Bulag ninyong pasusunurin ang mga kasama! Putang ina ninyo! Iyan ang nararapat sa mga hayup na katulad ninyo!!

 

Bumagsak ang dalawang kasama ni Lando, patay. Hindi halos makahinga si Lando..pipiliting hawakan ang baril at itutok kay Salome, subalit maagap si Salome, kinuha niya ang baril at itinutok kay Lando.

 

SALOME:

Sayang ang bala kung ipuputok ko sayo ito. Nais kong damhin mo ang bagsik ng lason at maramdaman mo ang sakit sa buong lalamunan at tiyan! Mamamatay ka Lando, katulad ng kilusan mong mapagkunwari!

 

Pipilitin ni lando na aabot ang kamay ni Salome, pero bigo siya, namatay siyang dilat ang mata!

TAGAPAGSALAYSAY:

Noong 1990 mayroong internal na kritisismo na naganap noong 1980’s na nagtulak para sa “Ikalawang Kilusan ng Rektipikasyon”, inilunsad noong 1992 napalaganap hanggang noong 1998. Ang Kilusan para sa rektipikasyon ay inilunsad upang ituwid ang pagkakamali ng kilusan na nagdulot ng malawakang pagpatay at pagpapatalsik sa mga kasama o miyembro ng kilusan na pinaghihinalaang DPA o Deep Peneration Agent na pakawala ng militar o Armed Forces of the Philippines.

SALOME:

Kumain ka pa Lando, O kayo, kumuha pa kayo ng kanin, meron pang talbos sa kaldero.

 

TAGAPAGSALAYSAY:

Isang dating pulang mandirigma o NPA na si Robert Francis Garcia, ang nagsulat ng isang libro. “To Suffer Thy Comrades” na inorganisa ng Peace Advocates for Truth. Nilalaman nito ang koleksyon ng mga kwento ng mga kasama, pamilya at mga supporters na naging biktima ng pagpupurga o “purge”

 

SALOME:

Si Andres, kasama siya sa naglitis kay Elena, si Leon, Lolong, Lisa, Amihan, sila ang nagdesisyong magpapapaty kay Elena ko… San ko sila makikita? Hahanapin ko sila..

TAGAPAGSALAYSAY:

Dahil sa Kilusang Rektipikasyon nagkaroon ng malawakang kampanya ang mga NPA at humingi ng kapatawaran sa mga naging biktima at sa huli ay nagbayad sa mga naging danyos na naidulot sa buhay ng mga biktima ng kilusan. Subalit sa karamihan ng mga lugar na naapektuhan ng pagkakamali ay hindi na kailan mang nabalikang muli….

SALOME:

Kahit saan sila magtago hahanpin ko sila para patayin!

 

Bahay….:(

Posted in Damdaming Makabayan on October 11, 2010 by witchysmile

Habang pinapanood ko ang marahas na demolisyon sa TV naalala ko ang aking nakaraan noong kami ay naninirahan sa isang squatter’s area sa Singalong, Manila. Taong 1980 ng idemolished ang aming bahay para gawing paaralan ng Epifanyo Delos Santos. Sampung taon ako noon, malinaw sa aking isip kung paano naganap ang demolisyon, madaling araw dumating ang demolition team, pinagsisira ang aming bahay, pati na ang 50 tahanan. Nagiiyakan ang mga batang katulad ko, ang mga nanay at tatay ay luha at galit ang nadarama. Napalo pa ng tubo sa ulo  si Mang Danny na kapitbahay namin sinita nya kasi ang pagsira sa lamesa at silya nya ng isa sa nagdedemolish ayun pumutok ang ulo nya. Awang awa ako sa kalagayan namin at sa kalagayan ng iba pang bata na katulad ko, 3 araw na tumira kami sa kalsada, dun natutulog, kumakain at  dumudumi (nagtatakip lamang kami ng kurtina para makadumi!)

Naalala ko, sa bahay na iyon na walang kubeta (binabalot namin sa dyaryo ang aming dumi at ilalagay sa plastic saka itatapon, paumanhin sa mga mapandiri ganun po talaga ang buhay ng mga squatters)…Wala rin kaming sariling tubig, lahat kaming magkakapatid ay obligadong umigib ng tubig na may layong 500 metro (kaya siguro hindi na ako tumaas kase sa edad na 10 taon nagbubuhat ako ng 2 container na tubig!) At tuwing umuulan dahil nakadikit sa lupa ang aming kahoy na sahig, lumalabas sa siwang ng sahig ang ipis, alupihan at iba’t ibang insekto!..Kaya obligado kaming matulog na magkakapatid ng nakaupo sa aming kahoy na upuan at ang nanay at tatay ko sa lamesa naman…

Naisip ko ngayon bakit nga ba doon kami tumira? Marami naman ang paupahang bahay sa Singalong noon, may banyo, may  sariling tubig, hindi namin kailangan na ibalot ang dumi namin sa papel at hindi namin kailangan magpunas ng dyaryo sa pwet! Noon nagkaroon ako ng pag aalinlangan sa antas ng pagmamahal sa amin ng aming mga magulang, sabi ko noon siguro hindi kami mahal ng nanay at tatay naming kaya okay lang sa kanila ganun ang sitwasyon namin!….Pero mali ako…maling mali ako…

Ang aking mga magulang ay ipinanganak na mahirap, ang kanilang mga magulang ay mahirap din, dahil sa kahirapan hindi sila nakapagtapos ng pag aaral, at dahil sa hindi nakatapos at maagang pang nag asawa ayun naobligang maghanap ng kabuhayan si Nanay at Tatay! Naging tindera sila ng kung ano ano sa palengke. (sibuyas, bawang, plato, penoy, itlog, prutas, goto, pagkain), nagbenta ng kung ano ano para maipakain sa pamilya, para makapag aral kami..Natatandaan ko ang sabi ng Nanay ko sa akin (RIP Nanay :(….Pasensya na anak na hindi maganda ang bahay natin, pasensya na anak kung wala tayong kubeta, pasensya na anak kung madalas ay nasasabihan kang squatter ng mga kaklase mo…mahirap tayo ngayon pero hindi habang panahon ay ganito tayo ha…Hindi man natin kayang maging “disente”, at manirahan sa maayos na bahay kase hindi pa natin kaya anak, sa liit ng kinikita naming ng Tatay mo, hindi kayang pagkasyahin sa inyong 5 magkakapatid.. Pasensya na anak, hindi ibig sabihin na hindi naming kayo mahal ng inyong Tatay, mahirap lang talaga ang buhay ngayon…….”Opo Nanay ang lagi ko lang sagot noon..Totoo naman, mahal na mahal kami ng aming Nanay..

Ganito ang naging buhay naming noon, kalunos lunos, kahabag habag..Nakapang gagalit ang aming kalagayan at sitwasyon, Isa sa pinakamababang sitwasyon na naramdaman ko sa karanasan ko sa buong pagkabuhay ko sa mundo ay ang makitang winawasak ng iba ang aming bahay na itinayo! Kaya ito ang naging inspirasyon ko  sa buhay…Ipinangako ko sa aking sarili na hinding hindi ko na daranasin ito..Pero ilan kaming bata noon na ganito ang naging pananaw? Kamusta na kaya ang aking mga kalaro noon? Ano na kaya ang buhay nila ngayon?

Ngayon habang binabalik tanaw  ko ang buhay namin dati…na sinasabayan ng awit na BAHAY ni Gary Granada. Naiisip ko…noong panahong iyon may  squatter na dahil sa kahirapan at kasalatan sa kaalaman kung paano mabuhay ng disente, e paano pa kaya ngayon na mas marami na ang populasyon na naghihirap, mas marami ang walang kakayahan na pagplanuhan ang kinabukasan, mas maraming kabataan na maagang nag aasawa! Masalimuot na suliranin ng problemang pantao na kailangan na aksyunan, kailangang bigyan ng solusyon.

Isa pa noon na may problema na ang gobyerno sa planong pang urban, tirahan…e lalo pa kaya ngayon na mas malaki na ang populasyon? Paano sumasabay sa pagpaplano ang gobyerno sa lumalaking populasyon sa urban? Papaano nagbibigay ng alternatibong solusyon sa problema ng populasyon, problema sa kalusugan, pabahay at iba pang serbisyong pantao? Maraming tao sa gobyerno na imbes na maging tagapaglingkod ng bayan ay sila pa ang unang una na nagnanakaw at nagbabalewa sa mamamayan!..

Malalim na problema…kailangan ng malalimang solusyon…

 

 

 

 

 

 

 

Pagsamba at Pakikibaka (unang salaysay)

Posted in Damdaming Makabayan on October 11, 2010 by witchysmile

(Babala, ang salaysay na ito ay batay sa aking karanasan at pagtingin, kung may masaktan man po akong damdamin o paniniwala paumanhin po)

Taong 1986 Edsa Revolution noon, tanda ko pa 16 anyos lang ako..nasa kalsada na sumisigaw “Ibagsak ang Rehimeng Marcos” “Marcos, Hitler, Diktador, Tuta!”..Sa murang edad ramdam ko ang sentimyento ng mamamayan na ayaw na nila kay Marcos. Taon ding iyon ng makita ko ang imahe/santo ng Mama Mary, Jesus, mga krus na ipinarada sa kalsada..Sabi ko noon kagustuhan ng “Diyos” ang pagkakalaya ng Pilipinas sa kuko ng diktador.

Tumulong ang “Diyos”na mapalaya ang Hitler ng sambayanang Pilipino..Lumipas ang buwan..Marso, Abril, Hunyo..at Enero 1987..naganap ang Mendiola Massacre…maraming patay..duguan..sugatan.. Naisip ko nun..panibagong pagsubok na naman ba ng Diyos ito? Siguro…buhay ang kapalit sa bawat pagsubok..

Naging aktibong aktibista ako sa hanay ng mga istudyante..Tanda ko noong panahon ko..natutulog kami sa mga piketlayn, nakikipamuhay sa mga manggagawa habang nakatirik ang kanilang welga…nagtuturo, natututo..nagtatanong ako noon bakit sila naghihirap, bakit hindi maibigay ng pamunuan ng pabrika ang kanilang kahilingan na dagdagan ang kanilang kakarampot na sweldo… sabi ko sa sarili ko siguro pagsubok din ito sa kanila ng “Diyos”

Nakapamasyal ako sa malayong lugar, nagturo sa mga liblib na nayon at sitio, nakisalamuha sa mga magsasaka, tumulong sa pagtatanim nila, namuhay na “parang” magsasaka din, naiiyak ako habang naaalala ko ang hirap nilang kalagayan…sabi ko nun..siguro pagsubok pa rin ito ng “Diyos” sa kanila.. Sa maraming bagay at sitwasyon na nasaksihan ko, kahirapan, pagpatay, pagdukot at pagtortyur…Pagsubok nga ba ng ‘Diyos” ang lahat ng iyon?

Pasensya na mga kasama sa pananampalataya kung ganito ang tanong ko ngayon…gaano kasalbahe ang “Diyos” para pahirapan ng ganito ang mga taong nananalig sa kanya?

Ngayon…pagkatapos ng apat na pangulo, ganito pa rin ang sitwasyon, makabago nga ang mga kagamitan, may bago ngang teknolohiya, pero hirap pa rin ang karamihan lalo na ang mga manggagawa at magsasaka..pagsubok pa rin ba ito ng “Diyos”?

Bakit nga ba sa tuwing nakararanas ng hirap ang mga tao, madalas sabihin ng simbahan na manalig sa “Diyos” ang lahat ay lilipas din, matatapos ang hirap. Maging magalak tayo dahil mahal tayo ng “Diyos”, hindi ibibigay ng “Diyos” ang pagsubok sa taong hindi kayang dalhin at mapagtagumpayan? Bakit nga ba nagagamit ang “Diyos” sa pagsasamantala? Bakit nga ba nabibili ng “Diyos” ang mga corrupt na lider ng bansa? Bakit nga ba ang “Diyos” ang ginagamit ng mga naghahari harian para maging kimi at hindi kumibo ang mga taong pinahihirapan?

Pakamahalin Ninyo Ang Mga Aktibista (EVER LOVE THE ACTIVISTS): Nilikha ni: David Michael San Juan

Posted in Damdaming Makabayan on July 30, 2010 by witchysmile

Sila ang mga taong marami nang naiambag/nai-contribute sa lipunan pero di natin gaanong pinapansin/napapansin.

May mga panahon ngang itinuturing natin silang basahan, as in, disposable.

Pag pinatay sila, wala tayong pakialam. Ang iba sa atin, minsan, sila pa ang sisihin pag dinukot sila ng militar o kaya’y pinaulanan ng bala ang kanilang mga bahay.

Wala tayong reaksyon kung sunugin man ang bahay nila o pilitin silang pumirma sa mga pekeng dokumento na nagsasabing sila ay rebeldeng sumuko na sa gobyerno.

Sila ang mga tinatawag nating AKTIBISTA.

Mahal na mahal nila tayo at lalo na ang ating bayan kaya naman kahit buhay ay handa nilang ialay sa ating kapakanan.

Nakalulungkot na hindi natin sila matutuhang mahalin nang lubusan.

Sila ang dahilan kung bakit may overtime pay na ngayon.

Sila ang dahilan kung bakit wala nang curfew ngayon.

Sila ang dahilan kung bakit may Christmas bonus, 13th month pay, paid vacation atbp. benepisyo.

Sila ang dahilan kung bakit may “demokrasya” na ngayon, at least, para sa mga maka-gobyerno.

Sila ang dahilan kung bakit 8 hours lang ang maximum na oras ng required na trabaho (dati ay 12 hours ang minimum).

Sila ang unang tumututol pag tataas ang buwis.

Sila ang unang tumututol pag binabawasan ang pondo para sa edukasyon o kalusugan.

Sila ang unang nagtatanggol sa mga magsasakang inagawan ng lupa.

Sila ang mga makabayan na minsan, pinagtatawanan natin dahil parang napaka-OA na.

Oo, nirerespeto natin sila, pero di pa dumarating sa punto na natutuhan natin silang samahan sa kanilang ginagawa na para rin naman sa atin.

Natatakot tayong gawin ang kanilang ginagawa.

May mga sandali pa ngang pinababayaan natin silang mag-isa.

Pero sila lang naman ang karamay natin sa lahat ng sitwasyon.

Mahirap ipaliwanag sa isang note kung bakit may aktibista.

Mahirap ipaliwanag kung bakit ako aktibista.

Mahirap magpaliwanag dahil kapos naman lagi ang mga salita.

Minsan, mas mahusay magturo ang mga pelikula.

Pakipanood ang pelikulang SIGWA at pagkatapos nito, sana, pakamahalin na ninyo ang mga AKTIBISTA, ang mga TUNAY NA AKTIBISTA na laging naririyan sa ating tabi, nagmamahal, nabubuhay, nakikibaka…

Rosas ng Digma

Posted in Damdaming Makabayan on July 30, 2010 by witchysmile

Story is about love and struggle of two revolutionary gays! Their life, sacrifices, predicament, identity crisis, struggle within themselves and the revolutionary system itself… Shown last April 18, 2009 at PUP Bulwagang Bonifacio..

One of my stories which came into play..My first directorial job…My first script..My first headache! LOLS

Pagsampa

Posted in Damdaming Makabayan on July 30, 2010 by witchysmile

Pagsampa sa kanayunan…

Inakalang ika’y bahagi lamang ng buhay ng kabataan

na naghahanap ng kasagutan

kung bakit ang kahirapan

ay taglay ng mamamayan

…..Nagdesisyong maging hukbo

ng mamamayang lumalaban

sa kahirapan at karapatan

ng masang niyuyurakan

….Nagturo, nagbigay kalakasan

sa masang magsasaka at hukbong makabayan

naging gabay sa paglulunsad ng digmaan

na naging sandata sa pakikipaglaban

….Dinatnan ng pagsubok ng buhay

malalim, mahirap, marupok, mabuway

bumaba mula sa bundok, parang, gubat

subalit…..

ang punglo ng kanayunan ay parang musika na naririnig, parang multo na dumaladalaw sa tuwina…

ang punglo ng kanayunan ay buhay hindi lamang sa alaala kungdi sa kasalukuyan…

ang punglo ng kanayunan ay umaalingawngaw sa tainga ng bawat aktibistang dinalaw mo at inampon mo sa ibat ibang panahon…

ang punglo ng kanayunan ay nasa dugo na namin, nananalaytay sa ugat, nakauok na sa aming isipan na kailanman hindi maiwawalay…

Babe Sandoval…damhin mo ang punglo ng kanayunan!

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.